Tuesday, July 17, 2007

Mga Kababaihan at ang Kapitalismo sa Mass Media

Kung tayo ay mag-iisip nang mabuti, para sa mga posibleng solusyon sa ating problemang pambansa, pulitikal man o rehiyonal, marahil ay ang ‘mass media’ ang unang-una sa ating mga listahan. Ang ‘mass media’ ay may angking lakas na hindi kayang tumbasan ng kahit anung sandatang pangdigma; marahil ay hindi nga pisikal ang tama nito sa atin, subalit kaya nitong tumagos sa ating ispiritwal at emosyonal na komposisyon ng ating pagkatao, at maari nitong mabago ang ating nakagisnan nang paniniwala at gawi ng pamumuhay habang buhay.
Sisimulan ko ito sa isang sariling negatibong pananaw ukol sa ‘mass media’: Itinuturing ko ito bilang isang epidemya: isang sakit na nakakahawa na patuloy ang pagkalat hindi lamang sa bansa subalit pati na rin sa buong mundo. Isa itong sakit na hindi namamalayan, walang sintomas, subalit malaki ang pinsalang nagagawa sa ating mga sariling katauhan. Hindi ko alam kung saan ito nagsimula, o kung ano ang tunay na layunin ng nagsimula nito, pero sa nakikita ko, ang epidemyang ito ay may kakayahan na iisipin ng tipikal na Filipino na hindi posible at ang mga ganoong ideya ay naglalaro lamang sa ulirat ng isang taong may masyadong malawak na imahinasyon, o ‘di kaya’y isang taong wala nang bait sa sarili. Kaya nitong magpasiklab ng isang pambansang rebolusyon; isang away pulitikal; alitan sa magka-alyansang bansa; isang transpormasyon sa katauhan ng isang tao, mapa-pisikal man o emosyonal; magsimula ng digmaan; magkalat ng hindi pagkakaunawaan; lasunin ang isipan at kung anu-ano pang hindi na mabilang na mga posibilidad. Lahat ng ito sa loob lamang ng ilang minuto.
Nakakatawang isipin na ang epidemyang tulad nito ay nasa ating realidad at namumulutan sa ating mga sariling interes. Ginagamit nito ang ating mga mithiin at pagnanasa upang tayo ay maging papet ng mga nasa likod ng ‘mass media’, sa pamamagitan ng paghahalo ng lason na hindi agad napapansin sa kanilang mga proyekto. At dahil ginagamit nitong puhunan ang ating mga sariling mithiin, hindi natin namamalayan na tayo pala ay nasa ilalalim na nito at tuluyan na tayong naapektuhan. At dahil sa patuloy nitong pagpapakain sa ating mga pagnanasa, hindi na natin ito maalis sa ating sistema at nakakalimutan na natin ang mga mahahalagang bagay na itinuro at ipinasa sa atin ng ating mga ninuno. Nagiging sarado din ang ating isipan sa ibang mga bagay na pupwedeng pagkunan ng impormasyon bukod sa ‘mass media’, at nagiging alipin na tayo at sunod-sunuran sa mga gusto nitong mangyari.
Ang ‘mass media’ din ay isang kilalang pugad ng mga kapitalista. Hindi ganun kadaling paikutin ang mga ulo ng milyung-milyong tao sa buong mundo, at hindi rin madaling kumuha ng mga taong magaling magsalita, manlinlang, at magbigay ng impormasyon. Subalit, madali lang ang solusyon dito: pera. Ang sandata ng bawat kapitalista, at ang bagay na kayang magpaikot ng mga pangyayari at tanggalin ang kamalayan ng sinumang tao naakit sa materyalismo: ‘wala akong nakita at narinig, wala nang nangyari simula ngayon, hindi ko kayo kilala,’ o di kaya’y ‘opo, ganoon nga ang nangyari, alam ko na po ang sasabihin ko’.
Siguro ay may kinalaman ang ‘crab mentality’ sa layunin ng mga kapitalistang magpakalat ng ganitong uri ng sakit. Kasi sa nakikita ko, ganito lang ‘yun eh: ang mga may-alam, nagiging kapitalista at ginagamit ang mga bobo at mga dukha. Hindi ko sinasabing lahat, subalit hindi iikot ang mundo ng wala ang dalawang sangkap na ito. Syempre, kung matalino ka, hindi ka magpapatalo, at sa tingin mo ay alam mo ang tama. Hindi mo gugustuhing talunin ka ng mga hampas-lupang walang pinag-aral at walang alam sa paghawak ng pera at pagpapalago ng negosyo, lalo na kung ikaw ay lumaki sa isang mayamang pamilya, na araw-araw mula pagkabata ay itinatanim sa utak mo ang saysay na ginagampanan ng mga dukha at walang alam sa lalong pagpapalago ng negosyo ninyo, na kasalanan nila ito kung bakit sila nagkaganun at dahil din ito sa kanilang pagiging materyalismo at hindi pagbibigay ng importansya sa pag-iimpok.
At kapansin-pansin sa hindi ko alam na kadahilanan na mas madaming kababaihan ang kasangkot sa mga kilalang mga balangkas ng ‘mass media’. Ayon sa datos na galing sa National Statistics Office noong taong 2003, 47.9% ng kababaihan sa edad 10-64 ang nasa dyaryo, laban sa 45.1% ng mga kalalakihan; 38.4% naman sa mga magasin at libro; 63.9% naman sa telebisyon; 57.5% sa radio at 21.3% naman sa kompyuter at internet. Ang mga nabanggit na balangkas ng ‘mass media’ ang naturingang pinakamalakas, dahil ang mga ito ay naging kasama na ng araw-araw nating pamumuhay, at ang iba dito ay nakaka-aliw panoorin o basahin.
Subalit hindi naman lahat ng nasa ‘mass media’ ay nagtuturo ng masama, o lumalason sa ating isip. Kung gagamitin ng wasto ang ‘mass media’, maari itong magturo sa atin at sa ating kabaatan ng mga magagandang asal at mga bagong tuklas sa larangan ng syensya, tulad ng mga palabas sa telebisyon na Discovery Channel at Animal Planet. Sa tingin ko ang talagang layunin ng ‘mass media’ ay ang magbigay ng impormasyon at ng pagkakalibangan sa ibang tao habang kumikita sila ng pera. Hindi pa rin talaga maiaalis ang pera sa usapan, dahil isa ito sa ating realidad, at halos lahat ng mayroon tayo ay galing sa mga kapitalista. At marahil ang pangunahing dahilan kung bakit ganito karami ang kababaihan na pumapasok sa ‘mass media’ ay para mabuhay, dahil sa malaking halaga ng salaping makukuha dito, lalo na sa telebisyon. Masasabi kong ito ang pinakamalakas na sandata ng ‘mass media’. Sa telebisyon, hindi mo na kailangan pang magpakahirap matutong magbasa, o magbasa ng napakahabang nobela o gamitin ang imahinasyon sa hindi gumagalaw na larawan sa isang magasin: ang kailangan mo lang ay isang komportableng upuan o higaan, telebiyon, pambayad sa kuryente at matang walang depekto o karamdaman, at tada! Nakatanga ka na sa iyong idolong artista. Ito din ang pinaka-kinamumuhian ko sa lahat ng kayang ihain ng ‘mass media’.
Dito ipinapakita ang lahat ng kalapastanganan ng mga tao, mga kagagaguhan, at kung paano nila ipaglantaran ang kanilang kabobohan sa buong bansa. Marahil ay ito ang nagpapaliwanag kung bakit mas marami ang mga babae sa telebiyon kaysa sa mga lalaki: dahil simple lang ang puhunan mo dito. ‘Pag may maganda at makinis kang mukha at katawan at ikaw ay maputi, pasok ka na, kahit wala kang alam at hindi ka marunong umarte. At kung ayaw ka namang tanggapin ay sabihin mong pwede kang maghubad, at humanda kang kumita ng limpak-limpak na salapi habang pinagpapantasyahan ng lahat ng kalalakihan sa bansa ang sariwa mong katawan.
Kung hindi ka naman pasado sa mga nabanggit sa itaas, huwag mag-alala dahil may isa ka pang pwedeng pagpilian. Kung ikaw ay kasalungat ng mga nabanggit na katangian sa taas, maari ka pa ring kumita ng salaping kayang bumuhay sa iyo at sa iyong pamilya. Kung ikaw ay maliit, maitim, tatanga-tanga may mala-mongoloid na mukha na sa tingin mo ay pwede sa karnibal at maging paksa ng araw-araw na tawanan at kagigiliwan ng mga pamilya tuwing tanghali, handing batuk-batukan ng mga tarantadong host na akala mo kung sino, lait-laitin sa harap ng masa at magmukhang kawawa, pwede ka pa rin. Alin lang naman sa dalawa yun: magpakyut o magmukhang tangang kinakawawa. Ang lahat ng ito ay kaululan na lumalapastangan sa ating mga kababaihan, sa kanilang pagkatao at moralidad. Lahat ng ito nang dahil sa pera. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nanonood ng telebisyon.